top of page

Paglabas ng mga ahas sa Baguio at Benguet, asahan ngayong dry season

  • Writer: TheCompanion
    TheCompanion
  • Apr 17, 2024
  • 2 min read

Updated: Apr 19, 2024

April 17, 2024 | By Ma. Nicole Flores


Philippine Brown Rat Snake
Sinagip ng NEWT ang isang Philippine Brown Rat Snake na natagpuan sa Poliwes, Baguio City noong March 10, 2024. (Facebook/NEWT)

BAGUIO CITY, Philippines– Ngayong panahon ng tagtuyot, lumaki ang bilang ng mga nasagip na ahas sa Baguio, Benguet kahit apat na buwan pa lang mula nang magsimula ang taong 2024. 


Ayon sa datos ng Northern Exotics and Wildlife Troopers (NEWT), isang non-government organization na ang pokus ay ang pangangalaga ng mga native wildlife sa Pilipinas, ang mga naturang ahas na kanilang nasagip mula Pebrero hanggang Marso ay mga king cobrang mula sa Camp 6 at Irisan, at ilang brown rat snakes sa Tawang, Guisad, Km 4 La Trinidad, at Poliwes. 


“Main factor is the dry season, as well as the habitat loss,” sagot ng NEWT kung bakit mas maraming nahuhuling ahas ngayon. 

Ani ng NEWT ay marapat na iwasan ang anumang contact sa ahas. Dagdag pa rito, dapat bigyan ng espasyo ang ahas upang makatakas o kung nasa loob man ng gusali ay ikulong ito sa isang kuwarto at hintayin rumesponde ang mga animal handlers. 


“Killing the snake should be the last option as it is where most fatalities occur,” paalala ng NEWT. 

Sa kabilang banda, wala pang naitatalang kaso na may natuklaw ng ahas sa lungsod ngayong taon, kaugnay sa datos ng NEWT.


Gayunpaman, upang makatulong sa mga tao na maging handa kung sakaling may makitang ahas, nagkaroon ng mga seminar at workshop ang NEWT kung paano magresponde sa ganitong insidente. Bilang halimbawa, naglunsad ng wildlife awareness at snake handling and restraint ang Crew Leadership Training Course na isinagawa sa Boy Scouts of the Philippines-Benguet Council Office noong Marso 16.


Samantala, bukas pa rin ang Facebook page ng NEWT para sa karagdagang kaalaman, impormasyon o balita tungkol sa mga nasagip na wildlife na natagpuan sa Cordillera.

Comments


SIGN UP AND STAY UPDATED!

Join our community!

  • X
  • Grey Facebook Icon

© 2024 by The Companion. Powered and secured by Wix.

bottom of page