top of page

[OPINION] Richest city outside Metro Manila raw ang Baguio City pero bakit naghihirap ang mga residente nito?

  • Writer: TheCompanion
    TheCompanion
  • Apr 14, 2024
  • 3 min read

Updated: Apr 24, 2024

April 14, 2024 | By Erin Victoria Agapito


People riding swan boats on Burnham Lake (File photo/Jet Delicana)

Kaya siguro richest city outside Metro Manila ang Baguio kasi buong siyudad ay naka-aircon.


Ito ang naging reaksyon ng ilang mga netizens nang nakuha ng pinakamalamig na siyudad sa Pilipinas, ang Baguio City, ang pinakamayamang lungsod sa labas ng Metro Manila noong 2022, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). Isa lamang itong biro sa malamig na klimang pribilehiyo ng mga naninirahan sa lungsod, ngunit kalakip nito ang mga katanungang naitatago sa magandang reputasyon ng Baguio. Paano ito naging richest city kung ang mga residente nito ay naghihirap pa rin?

 

Naitala ng PSA na ang per capita Gross Domestic Product (GDP) ng Baguio City ay nagkakahalaga ng P420,016, pinakamataas sa 82 na lalawigan at 17 highly urbanized cities sa 16 na pilot provinces sa buong bansa. 


Ano nga ba ang per capita GDP? Ito ay isang sukatan kung gaano kalaki ang paglago ng ekonomiya sa isang partikular na lugar. Sa madaling salita, ito ay isang sukatan ng yaman o kahirapan. Kaugnay sa panayam ng Midland Courier kay PSA Cordillera Chief Statistical Specialist Aldrin Bahit noong ika-22 ng Marso, sinasabing totoong mayaman ang Baguio dahil mataas ang kabuuang halaga ng produkto at serbisyo ng siyudad, ngunit hindi nangangahulugan na ang bawat residente rito ay mayaman na rin. Dagdag pa rito, posibleng hindi maramdaman ng lahat ang gains ng ekonomiya, ayon kay Bahit.


Hindi maipagkakaila na tunay ngang mayaman ang lungsod ng Baguio, lalo na at nalampasan nito ang pagbaba ng ekonomiya noong pandemya dala ng COVID-19. Itinalaga ng PSA Cordillera noong Disyembre 2023 na ang Baguio ang fastest growing economy sa rehiyon dala na rin ng paglago ng mga industriya lalo na sa sektor ng turismo, transportasyon, pag-iimbak, tirahan, pagkain, at mga serbisyo. 


Maaaring normal lamang na hindi lahat ng mamamayan ay mararamdaman ang “gains” ng mataas na per capita GDP ng pinakamayamang syudad sa Pilipinas, ngunit hindi nito napapalitan ang katotohanan na marami pa rin ang naghihirap sa lungsod. Richest city, pero ang minimum wage ay ‘singbaba ng P430? Richest city, pero palagi na lang walang tubig? Richest city, pero ika-lima ang kinabibilangang rehiyon sa may pinakamataas na inflation rate? Ika nga ng mga netizens, aanhin ang yaman ng siyudad kung mismong mga tao ay naghihirap?


Ang minimum wage sa Baguio ay P430 lang. Sa inilabas na tala ng IBON Foundation nitong ika-10 ng Abril, ang minimum wage sa Cordillera Administrative Region (CAR) ay mayroong 64% gap sa normal na sahod para mamuhay ang isang pamilya. Para sa isang mayaman na siyudad, parang kulang na kulang yata ang sahod na nakukuha ng mga tao? Sino ba ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng ekonomiya ng lungsod kundi ang mga manggagawa sa iba’t-ibang industriya ng Baguio? Ang mga ordinaryong manggagawa ang bumubuhay sa ekonomiya ng lungsod, ngunit ang pamahalaan ng lungsod ay patuloy silang binibigo at binibigyan ng buhay na nakokompromiso sa P430 na minimum wage.


Isa ring problema ng Baguio ay ang kakulangan sa tubig. Matagal na itong sakit sa ulo ng mga residente na kung minsan pa nga ay umaabot sa buwan ang pagkawala ng tubig sa mga kabahayan. Ang solusyon ng Baguio Water District (BWD)? Hikayatin ang mga residenteng magtipid ng tubig. Mayroon din namang itinalagang water schedule, ngunit hinaing ng mga residente ay kahit schedule na nila para sa tubig, wala pa ring lumalabas. Para sa isang mayaman na siyudad, hindi ba dapat ay isa sa prayoridad ang tiyakin na sapat ang tubig na makukuha ng mga mamamayan, lalo na ngayong panahon ng El Niño? Kasabay ng init ng panahon ang init ng ulo ng mga residente ng Baguio na mukhang hindi na mapapalamig ng natural na “aircon” ng lungsod.


Panghuli, hindi rin nakaligtas ang Baguio sa pagtaas ng inflation sa bansa. Itinala ng PSA na umabot sa 4% ang inflation rate noong March 2024, pumapabilang sa limang rehiyon sa bansa na pinakatumaas ang inflation rate. Top 1 nga sa pinakamayamang siyudad, top 5 naman sa inflation. Parang nakakatakot na palang manguna sa mga listahang pang-ekonomiko? Pwede bang ilaban ko na lang ang Baguio sa palamigan ng hangin, huwag na sa usaping sweldo at cost of living?


Maraming pagkukulang ang lokal na pamahalaan ng Baguio sa mga residente nito. Ang pagtala na ang Baguio ang pinakamayamang siyudad sa labas ng Metro Manila ay tunay ngang nakakamangha. Hindi ko isinasawalang-bisa ang kabuuang pagsisikap ng mga mamamayan sa kani-kanilang industriya na naging dahilan upang tumaas ang per capita GDP ng lungsod. Ang sa akin lang, sana ay sa pagkilala na mayaman ang Baguio ay makita rin ang mga paghihirap ng mga mamamayan sa likod nito. 


The opinion and views expressed by the writer are their own and do not necessarily reflect the positions of The Companion.


Comments


SIGN UP AND STAY UPDATED!

Join our community!

  • X
  • Grey Facebook Icon

© 2024 by The Companion. Powered and secured by Wix.

bottom of page